3 PATAY KADA ARAW SA COVID SA CALOOCAN

BAGAMA’T bumaba na sa 240 ang active cases ng COVID-19 sa Caloocan City, halos tatlo pa rin kada araw ang namamatay sa lungsod dahil sa pandemya.

Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit, 1,586 ang total COVID deaths sa lungsod noong Nobyembre 12 mula sa 1,558 noong noong Nobyembre 1, o karagdagang 28 casualties sa loob ng 11 araw para sa average na 2.5 patay kada 24 oras.

Pumalo na sa 61,283 ang confirmed cases sa Caloocan, at sa nasabing bilang ay 59,457 na ang gumaling.

Samantala, isang COVID patient ang binawian ng buhay sa Malabon City, at pito ang nadagdag na confirmed noong Nobyembre 12.

Sa kabuuan ay 21,238 ang positive cases sa lungsod, 60 dito ang active cases. Sa kabilang banda, 12 pasyente ang gumaling. Sa kabuuan ay 20,532 na ang recovered patients ng Malabon, at umakyat sa 646 ang COVID death toll.

Wala namang iniulat na binawian ng buhay sa COVID sa Navotas City noong Nobyembre 12 at 25 ang active cases makaraang dalawa ang nahawaan at tatlo naman ang gumaling.

Sumampa na sa 17,599 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 17, 032 na ang gumaling, habang nanatili sa 542 ang COVID death toll.

Habang isinusulat ito ay wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Valenzuela City, ang tanging lungsod sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area na naiwan sa kategoryang “low risk” sa COVID-19, habang ang tatlong iba pa ay nasa “very low risk” category na, ayon sa datos ng OCTA Research. (ALAIN AJERO)

474

Related posts

Leave a Comment