3% PINOY LANG HINDI NANINIWALANG TALAMAK NAKAWAN SA GOBYERNO – SURVEY

TANGING 3% ng mga Pilipino ang hindi naniniwalang malaganap ang korupsyon sa gobyerno, ayon sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, habang 59% naman ang nagsabing “normal” na bahagi na ito ng pulitika sa bansa.

Batay sa survey na isinagawa noong Setyembre 27–30, lumabas na 97% ng mga Pilipino ang naniniwalang talamak ang korapsyon — 78% dito ay nagsabing “napaka-malaganap,” habang 20% naman ang nagsabing “somewhat widespread.”

Lumabas din sa pag-aaral na 85% ng mga respondents ang nakapansin ng paglala ng korapsyon sa nakalipas na taon.

Pagdating sa mga imbestigasyon sa maanomalyang flood-control projects, 54% ang naniniwalang ginagawa ito upang ilantad ang korapsyon at papanagutin ang mga sangkot, habang 19% naman ang nagsabing ito ay reaksiyon lamang sa galit ng publiko. May 13% ang naniniwalang ginagamit ito para i-presyur ang kalaban sa politika o protektahan ang kaalyado, at isa pang 13% ang nagsabing ito ay diversionary tactic para ilihis ang atensyon ng publiko.

Ayon pa sa survey, 90% ng mga Pilipino ang naniniwalang may sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng ehekutibo, mambabatas, at pribadong kontratista sa maling paggamit ng pondo para sa mga flood-control projects. Ang ganitong pananaw ay pare-pareho sa lahat ng rehiyon (88%–93%) at sa iba’t ibang antas ng lipunan (87%–91%).

Pitong sa bawat sampung Filipino adult (71%) ang naniniwalang dapat maparusahan ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian sa infrastructure projects. Samantala, 21% ang hindi tiyak kung may mananagot, habang 8% naman ang naniniwalang hindi maparurusahan ang mga sangkot.

Pagdating sa pagtugon sa korapsyon, may 50% ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa civil society organizations at 51% sa media. Ngunit mababa ang tiwala sa mga ahensya ng gobyerno — 81% ang walang tiwala sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at 45% naman ang hindi nagtitiwala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, 39% lang ang nagtitiwala sa Office of the Ombudsman, habang 56% ng mga respondent ang hindi makapagdesisyon kung may tiwala o wala sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Tungkol naman sa mga gawaing itinuturing na katiwalian, 75% ng mga Pilipino ang tumukoy sa pagtanggap o pagbibigay ng suhol, 67% ang nagsabing maling paggamit ng pondo o resources, at 64% ang nakapansin ng kickbacks.

Isinagawa ang survey sa 1,200 adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews, at may ±2.8% margin of error.

(CHRISTIAN DALE)

54

Related posts

Leave a Comment