3 PULIS SABIT SA TANIM DROGA

LAGUNA – Pansamantalang inilagay sa restrictive custody ang tatlong pulis mula sa San Pedro Police Station bunsod ng reklamong isinampa ng isang indibidwal na inaresto makaraang taniman umano ng droga sa isang operasyon sa nasabing lungsod kamakailan.

Kabilang sa mga inisyuhan ng relief order at inilagay restrictive custody sina Lieutenant Jieelson Sierra ng San Pedro PNP Intelligence Unit, Corporal Froilan Flores Mungcal, at Pat Christian Reyes Benitez na kapwa miyembro ng Drug Enforcement Unit, kaugnay ng pagkakaaresto ng isang Rich Mark Hermosa sa Pacita-1 noong ika-23 ng Agosto.

Ayon kay Philippine National Police Calabarzon Regional Director Eliseo Cruz, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang nagngangalang Jok Rana na humihingi ng tulong kaugnay ng mga pag-abuso umano ng mga pulis-San Pedro sa kanilang lungsod.

Ani General Cruz, partikular na binanggit ni Rana ang umano’y lantarang pagbugbog ng tatlong pulis kay Hermosa.

Sa isinagawang imbestigasyon ng PNP regional command, lumalabas na walang ano mang warrant na iprinisenta ang mga operatiba nang pasukin bahay ni Hermosa.

Sumbong pa ni Rana, nakaalitan lamang umano ni Hermosa ang isa sa mga operatiba at ang pagdakip at pagsasangkot sa droga ang naging bwelta ng nasabing pulis. Hindi rin aniya sangkot sa ipinagbabawal na gamot ang inarestong si Hermosa.

Kaugnay nito, pinabulaanan naman ng mga suspendidong operatiba ang paratang laban sa kanila. Anila, nais lamang ilihis ng suspek ang kinasasadlakang kaso. (CYRILL QUILO)

227

Related posts

Leave a Comment