3 SABUNGERO NABITAG SA MALABON

ARESTADO ang tatlong sabungero nang salakayin ng mga pulis ang isang tupadahan sa Malabon City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Albert Barot ang mga arestado na sina Heroly Magmay, 53, tricycle driver; Armando Malate, 39, fish vendor, at Joshua Bondad, 21, batilyo, pawang ng Barangay Longos.

Ayon sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Michael Oben, nakatanggap ng ulat ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Malabon Police mula sa Barangay Intelligence Network (BIN) informant hinggil sa illegal cockfighting activities na kilala bilang tupada, sa Block 10, Hiwas Street, Brgy. Longos.

Kaagad bumuo ng team ang SIS, sa pangunguna ni P/Lt. Zoilo Arquillo, at tinungo ang naturang lugar dakong alas-11:15 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P2,800 bet money. (FRANCIS SORIANO)

242

Related posts

Leave a Comment