3 SASAKYAN INARARO NG LADY DRIVER, 7 SUGATAN

CAVITE – Pito katao ang sugatan kabilang ang babaeng driver ng isang Toyota Vios nang araruhin nito ang tatlong sasakyan sa bayan ng Noveleta sa lalawigan noong Lunes ng madaling araw.

Pawang nilalapatan ng lunas sa magkakahiwalay na ospital ang mga biktimang sina Larry Ilodan, Jeerso Vasquez, Henry De Guzman, Jerome Gabriel Lazo, Shgh Balwinder at Jovivon Chavez.

Naka-hospital arrest naman sa Tanza Specialist Hospital ang driver ng Toyota Vios na may plakang ZGT 294, na si alyas “Hershey” ng San Rafael II, Noveleta, Cavite.

Ayon sa ulat, bandang alas-11:18 ng umaga nang mangyari ang insidente habang minamaneho ng suspek ang kanyang Toyota Vios at binabagtas ang kahabaan ng Manila-Cavite Road, Brgy. San Rafael III, Noveleta, Cavite patungo sa direksyon ng Cavite City.

Dahil mabilis ang pagpapatakbo ng suspek ay bumangga ito sa isang sasakyan.

Tinangka nitong magmaniobra paatras ngunit bumangga ito sa isang poste kaya muling umatras at nasagi ang isang nakaparadang sasakyan at nabangga ang isa pang sasakyan.

Ang lahat ng mga biktima kabilang ang driver ng Toyota Vios, ay isinugod sa iba’t ibang pagamutan.

(SIGFRED ADSUARA)

57

Related posts

Leave a Comment