TATLO ang sugatan matapos na tumagilid ang isang tanker truck na may kargang glucose na gagamitin sa paggawa ng mga kendi, sa Ramon Magsaysay Blvd. sa Maynila nitong madaling araw ng Martes, Enero 13.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ang truck ay papaliko sa kanan mula sa NLEX Connector patungo sa Ramon Magsaysay Blvd. bandang alas-3 ng madaling araw nang biglang tumagilid dahil umano sa pag-aalangan ng driver, dahilan upang mawalan ng balanse ang sasakyan.
Tatlong indibidwal ang nakatanggap ng agarang tulong medikal mula sa mga responder ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kabilang ang isang 25-anyos na lalaki na may sugat sa tuhod, isang 28-anyos na lalaki na dinala sa ospital matapos mabalian ng kaliwang balikat, at isang 35-anyos na babae na may sugat sa buong katawan.
Nagdulot ng mabigat na trapiko sa lugar ang aksidente dahil sa natapon na syrup, naging sanhi ng madulas ng kalsada.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umabot sa tatlong kilometro ang haba ng trapiko habang isinasagawa ng mga awtoridad ang flushing operations sa lugar.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
(JOCELYN DOMENDEN)
3
