LANAO DEL NORTE – Patay ang tatlong sundalo at isang sibilyan makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa lalawigang ito, noong Huwebes, ayon sa ulat ng Western Mindanao Command.
Sa inilabas na pahayag ni Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., WESTMINCOM commander, nangyari ang insidente dakong alas-8:45 ng umaga sa hangganan ng Poona Piagapo at Pantao Ragat sa Lanao del Norte.
“Troops immediately responded and proceeded to the area to validate the information. Upon arrival, the responding team discovered 4 dead bodies with gunshot wounds,” ani Lt. Gen. Vinluan.
Kinilala ang tatlong napatay na mga tauhan ng Philippine Army at nakatalaga sa 43rd Mechanized Company sa ilalim ng 4th Mechanized Infantry Battalion na nakabase sa Tangclao Detachment, Poona Piagapo.
Sa impormasyong ibinahagi ni Lt. Col. Domingo Dulay, commander ng 4th Mechanized Infantry Battalion, sakay ng motorsiklo ang tatlong sundalo nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek.
Ayon kay 2nd Mechanized Infantry Brigade commander, Brig. Gen. Facundo Palafox, “We are still establishing the circumstances and we do not have any other information at the moment”.
Sinabi pa ni Palafox, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa iba pang security forces ng pamahalaan upang kilalanin at tugisin ang mga responsable sa krimen. (JESSE KABEL)
170
