DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa mga kalokohan ng gobyernong ito ay ang pabigas sa government employees na tatlong taon bago naibigay sa isang ahensya ng gobyerno at malamang hindi lamang sila nag-iisa.
Hindi ko na babanggitin ang ahensya ng gobyerno na nitong Enero lamang natanggap ng mga empleyado ang kanilang bigas gayung noong 2022 pa raw sila pinapirma ng acknowledgement receipt.
Isa sa ipinagmamalaki ng gobyernong ito ay ang pabigas sa government employees bilang tulong daw sa kanila lalo na sa mga ordinaryong manggagawa na hindi naman kalakihan ang suweldo.
Pero imbes na ibinigay agad ang bigas ay inabot pa ng tatlong taon bago naibigay sa kanila gayung ang patakaran, saka ka lang pipirma ng acknowledgement receipt kapag natanggap mo na ang bigas. Kaliwaan dapat pero hindi nangyari.
Mula sa preparasyon, pagtatanim at pag-aani ng palay, gugugol ka ng apat na buwan at hindi naman kailangan ang mahabang panahon para magiling ito para maging bigas.
Pero bakit inabot ng tatlong taon bago naibigay ang bigas sa mga empleyado ng ahensyang ito ng gobyerno? Ibig bang sabihin tatlong taon ang ginugol nila sa pagtatanim?
At alam niyo ba kung anong klaseng bigas ang natanggap ng mga empleyado ng ahensyang ito? NFA as in National Food Authority Rice na 25% broken… ‘yung pinakamura sa lahat.
Mas masuwerte pa ‘yung mga mahihirap kuno na kababayan natin na magandang klase ng bigas ang ibinibigay sa kanila tuwing namumudmod ang gobyerno at mga politiko ng ayuda.
At alam n’yo rin ba na bukod sa 25% broken ang bigas na ibinigay sa mga empleyado ng gobyerno ay kinilo-kilo pa nila para magkasya? Bawat empleyado ay binigyan ng tig-22 kilos.
Pero ang sako na ginamit ay pang 50 kilos pero ang ibinigay lang sa kanila ay 22 kilos lang kaya napapailing na lang ang mga empleyado dahil mukhang hindi taos sa puso ng gobyerno na ito ang pagtulong sa kanila. Hindi ginawang 25 kilos.
Parang pampalubag-loob ang pabigas na ito sa government employees dahil hindi sila kasama sa ayuda ng gobyerno sa mga mahihirap kung saan nagmula ang maraming botante, gayung sila ang totoong nagbabayad ng buwis.
Speaking of ayuda, kailangang tulungan din ang mga empleyado ng gobyerno lalo na ang maliliit at hindi ‘yung sektor na pinanggagalingan ng malaking bulto ng botante.
Ang daming tulong ang naibibigay sa mahihirap pero hindi naman sila umaasenso dahil ang ayuda na P5,000 pababa ay hindi naman talaga sapat para makaahon sila sa kahirapan at marami sa kanila ay ayaw nang maghanapbuhay.
Bakit hindi na lang n’yo gamitin ang bilyong-bilyong ayuda sa pagtatayo ng mga industriya para magkaroon sila ng trabaho? Nag-iisip ba talaga ang mga ito?
