BINITBIT ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District, ang target ng operasyon gayundin ang dalawang kasabwat nito, sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Barangay 701, Malate, Manila noong Martes ng hapon.
Kinilala nina Police Major Salvador Iñigo Jr., Officer in Charge (OIC) ng District Enforcement Unit, at Police Staff Sergeant Rommel Tungol, ang target sa operasyon na si alyas “Eyat”, 32-anyos.
Kasama sa inaresto ng mga awtoridad ang umano’y dalawang kasabwat nito na sina alyas “Ana”, 27, at “Jason”, 35-anyos.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-4:50 ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 305 gramo na hinihinalang shabu na tinatayang P274,000 ang street value.
Bukod dito, nakumpiska rin mula sa suspek na si Eyat ang isang cal. 45 pistol, magazine, at anim na bala.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs of 2002, at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
(RENE CRISOSTOMO)
