ARESTADO ang tatlo katao sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Manila Police District makaraang makumpiskahan ng umano’y shabu sa loob ng Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, Manila noong Huwebes ng gabi.
Umabot sa 25 gramo ng shabu na tinatayang P170,000 ang street value ang nakuha sa mga suspek na kinilalang sina Aysha Salik y Watamama, 26, online seller; Angelita De Paz, 38, at John Mark Zapata, 35-anyos.
Batay sa ulat ni P/Major Pidencio Saballo Jr., hepe ng SDET, na isinumite kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng MPD- Station 3, bandang alas-11:30 ng gabi nang magsagawa ng SACLEO ang grupo na pinangunahan ni P/EMS Rommel Rey, dahil sa tip ng isang impormante na may nagbabagsak ng shabu sa panulukan ng 2nd St. at 30th St. sa Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, Manila.
Sa nasabing operasyon ay naaktuhan ng mga awtoridad ang tatlong suspek habang nagsasagawa ng transaksyon sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito at nakumpiskahan ng 25 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P170,000 ang halaga.
Ayon sa report ng pulisya, si Salik ang nagbabagsak ng droga sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at suki niya ang dalawa pang kasamang nadakip ng mga awtoridad.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)
154
