3 TIRADOR SA PRITIL MARKET TIMBOG

NANINIWALA ang mga awtoridad na lutas na ang nakawan sa loob mismo ng opisina ng market master sa palengke ng Pritil sa Tondo, Manila makaraang matimbog ang tatlong kawatan, kabilang ang isang16-anyos na binatilyo, noong Linggo ng umaga.

Kinilala ang mga arestado na sina Jeffrey Laxamana y Anon, 33, ng #1904 Franco St., Tondo; Christopher Lugto y Lopez, 27, ng #1663 Tioco St., Tondo, at ang menor de edad na si alyas “Kamote”.

Batay sa ulat ng MPD-Raxabago Police Station 1, isang Errol Castanares, 38, assistant market master, ang nagreklamo hinggil sa umano’y pagnanakaw ng mga suspek.

Dahil dito, masusing imbestigasyon ang isinagawa ng pulisya at sa pag-review sa footage ng CCTV na nakakabit sa panulukan ng Zamora at Herbosa streets sa Tondo, namataan ang mga suspek na tangay ang kanilang mga nakulimbat.

Ayon sa report ng pulisya, sinikwat umano ng tatlong suspek ang construction materials na nakalagay sa opisina ng market master, kabilang ang isang rolyo ng electrical cable na P11,000 ang halaga, (1) unit ng electric circuit braker na P1,500 ang halaga, at isang canvas na kulay asul.

Bunsod nito, agad sinalakay ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito. (RENE CRISOSTOMO)

 

169

Related posts

Leave a Comment