NAIS ni Senador Loren Legarda na bigyan ng dagdag na sahod na 30% ang mga empleyado sa pribadong sektor na napipilitang pumasok kahit na may bagyo na signal number 3, 4 at 5.
Sa Senate Bill 520 na inihain ni Legarda, binigyang-diin na bukod sa maraming bagyo ang pumapasok sa bansa, naka-posisyon din ito sa tinatawag na “Pacific Ring of Fire” kaya nakararanas ng maraming kalamidad katulad ng baha, cyclones, tagtuyot, earthquakes, tsunamis, at landslides.
Binanggit pa ng senador na noong 2024, sa ikatlong pagkakataon ay nanguna ang Pilipinas sa World Risk Index (WRI) sa hanay ng 193 bansa na lantad sa kalamidad, sakuna at krisis, batay sa pag-aaral na isinagawa ng Institute for International Law of Peace and Armed Conflict (IFHV) sa Ruhr-University Bochum, Germany.
Sa kabila nito, sinabi ni Legarda na may mga industriya na nanatiling operational at kailangang tiyakin ang pagpapatuloy ng mga pangunahing serbisyo katulad ng transportasyon, suplay ng pagkain, healthcare, media at utilities dahil sa serbisyo publiko.
Bukod sa panganib, nadadagdagan din anya ang gastos ng mga pumapasok dahil tumataas ang bayad sa pamasahe dahil apektado rin ang sistema ng transportasyon.
Nilinaw ni Legarda na hindi niya nais hikayatin ang mga empleyado na ilagay ang sarili sa panganib para lamang sa 30% na dagdag sa daily wage kundi tiyakin na mababayaran sila nang tama sa serbisyo nila tuwing may kalamidad.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang tutukoy sa mga alituntunin para sa tamang pagkalkula ng calamity pay, batay sa uri ng trabaho, antas ng panganib, at tindi ng kalamidad.
(DANG SAMSON-GARCIA)
60
