DAVAO City – Nilinaw ng isang mataas na opisyal ng Davao City Police Office (DCPO), patuloy ang operasyon ng Toril Police Station sa kabila ng pagsailalim sa lockdown sa nasabing piitan bunsod ng pag-positibo ng 30 preso nito.
Ayon kay Col. Kirby John Craft, hepe ng DCPO, patuloy ang normal na operasyon ng nasabing istasyon katulad ng pagpapatrolya at paglalagay ng checkpoints ng mga pulis na walang direktang contact sa mga naging positibo.
Isinailalim na sa kwarentinas ang 30 preso kasama ang mga pulis na na-expose sa mga ito.
Nilinaw ni Kraft na agad namang isinailalim sa ‘isolation’ ang lugar at gagawin ang mga hakbang upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 sa lugar.
Dahil isinarado sa publiko ang istasyon, gagawin muna ang pagtanggap ng mga reklamo sa barangay hall.
Natuklasang positibo sa virus ang 30 inmates nang ililipat na ang mga ito sa Maa City Jail noong Oktubre 1.
Isa sa mga proseso bago ilipat ang inmates ay ang pagsasagawa ng swab test ngunit nagpositibo ang mga ito sa COVID-19.
Sinabi naman ni City Health Office (CHO) head Dr. Josephine Villafuerte, mariing mino-monitor ang inmates na ilalagay sa isang pasilidad ng Toril Police Station at babantayan ng standby police nurses.
Kasabay nito, inabisohan ng CHO ang pamilya o kamag-anak na nakadalaw sa mga preso na bago sila sumailalim sa swab test ay mag-self-quarantine ng 14 araw o kaya’y mag-report sa kanilang Barangay Health Emergency Response Team kung sakaling nagkaroon ng mga sintomas ng nasabing sakit. (DONDON DINOY)
