HINDI ko masisisi ang mga Senador na mabahala sa mga Chinese nationals na gustong magretiro sa ating bansa dahil ang babata pa ng mga ito para magretiro sa bansang pinag-iinteresan nila.
Base sa mga report, umaabot na sa 28,000 Chinese nationals ang binigyan ng Philippine Retirement Authority (PRA) ng retirees visa na ang edad ay mula 35-anyos pataas.
Kalokohan na nasa retirement ages na ang 35 anyos dahil kalakasan pa nila ito sa kanilang buhay at serbisyo. Kahit pa sabihing 50 anyos na sila, hindi pa maituturing na retirement age na siya.
Sa ating bansa, 65 anyos ang retirement age natin at optional retirement ang 60 anyos sa mga civilian. Sa Armed Forces at Philippine National Police (PNP) at iba pang uniformed personnel ay 56 anyos ang mandatory retirement age nila.
Ang mga edad 35 anyos sa China ay nasa active service pa base sa Article 15 ng “Regulation of the Chinese People’s Liberation Army on the Military Service of Officers in active service.”
Sa regiment level ng People’s Liberation Army (PLA), ang retirement age nila ay 45 anyos at maaring ma-extend ng 5 taon habang ang maximum age ng mga officers sa divisional lavel ay 55 anyos samantamang 58 anyos sa deputy corps commander at 60 anyos sa corps commander.
Walang nagsasabi na mga mga miyembro ng PLA ang Chinese retirees pero sa isang bansa tulad natin na inaagawan ng China ng teritoryo sa West Philippine Sea ay maaari tayong magduda lalo na’t 45% sa 28,00 retirement visas ay nasa active service pa kung sakaling mga sundalo ang mga ito.
Kung wala sanang interes ang China sa ating bansa, walang problema kung dito gustong mag-retire ang Chinese nationals na ito pero inagawan at patuloy tayong inaagawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Kailangan nating mag-ingat dahil minsan na tayong naisahan ng ibang bansa bago sumiklab ang World War 2 nang magpadala ng advance forces ang Japan sa Pilipinas para sa kanilang planong pagsakop sa ating bansa.
Base sa mga kuwento ng mga Lolo natin, bago ang giyera, dumagsa ang mga Japanese nationals sa Pilipinas.
Nagtitinda sila sa mga kalsada, naglalako ng taho at kung ano-anong trabahong pinasok nila.
Nang magkaroon na ng giyera, yung mga naglalako ng taho ay nakauniporme at matatas na opisyal pala ng Japan na unang ipinadala sa Pilipinas para kumuha ng mga impormasyon at kabisaduhin ang ating bansa kaya napadali ang pagsakop nila sa atin.
Puwedeng sabihin na napapraning tayo sa pagdami ng Chinese nationals sa Pilipinas pero di bale ng praning kesa maisahan tayo pagdating ng panahon tulad ng nangyari sa atin sa kamay ng mga Hapon.
Talagang nakakapraning na ang retirees ay 35 anyos lang ang edad at yung mga POGO worker na una nang dumating sa ating bansa na umaabot na sa 300,000 ay mga hindi ordinaryong manggagawa ang tindig. Tingin ng marami, tinding sundalo ang karamihan sa kanila.
At isa pa, bakit dito pa napili ng mga ito na magretiro eh napakaraming bansa naman diyan na puwede nilang puntahan.
Tingin nila sa atin ay napakahirap na bansa pero tayo ang pinunpuntahan.
Baka dumating ang araw na puro Chinese na talaga ang magpapatakbo sa ating bansa at tayong mga Filipino ay mga utusan na lamang sa sarili nating bansa.
Nangyayari na ‘yan ngayon ha. Pumasyal kayo sa Divisoria, ang mga katulong nila sa tindahan ay mga Pinoy na hindi pinapasahod ng tama.
