3RD NOMINEE NG PARTY-LIST INARESTO HINDI DINUKOT – PNP

BINIGYANG-DIIN ni PNP spokesperson at Police Regional Office-Central Luzon Director Brigadier General Jean Fajardo, na inaresto sa bisa ng warrant of arrest at hindi dinukot ang isang 3rd nominee ng Magsasaka Party-list sa operasyon ng mga tauhan ng Marikina City Police Station Intelligence Section noong Pebrero 2, 2025, sa Gate 2 Service Road, Karangalan Village, Brgy. Dela Paz, Pasig City.

Aniya, si Lijone dela Cruz alyas “Lejun,” 56, residente ng Quezon City,

ay miyembro ng Alex Boncayao Brigade (ABB) at anak ni Nilo Dela Cruz, co-founder ng ABB gun for hire.
“Wala pong katotohanan na assassination attempt against the life ni Mr. Dela Cruz. On the contrary, siya pa po ang namutok at siya pa ang nanagasa, at ang pulis natin na sinasagaan naka-confine. May fracture siya sa pelvis dahil siya ay binangga nung accused po,” ang pahayag ni Fajardo.

Ang inihaing warrant of arrest ay para sa 2 counts ng murder na inisyu nina Presiding Judge Pheove Meer ng RTC Branch 275 na may petsang Abril 27, 2018, at Presiding Judge Harold Cesar Huliganga ng RTC Branch 254 ng Las Piñas City.

Bukod sa nabanggit na kaso, sasampahan din si “LeJun” ng mga kasong frustrated homicide, four counts ng malicious mischief, at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa BP 881 o Omnibus Election Code, sa Pasig City Prosecutor’s Office.

Nauna rito, nagtangka umanong tumakas si Dela Cruz, bumunot ng baril at binangga ang isang pulis nang silbihan ito ng warrant of arrest sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat kay PCol. Villamor Tuliao, district director ng Eastern Police District (EPD), matapos magpakilala ng mga operatiba, naging agresibo ang suspek, bumunot ng baril at dali-daling sumakay sa sasakyan at nakipaghabulan sa mga pulis.
Nagresulta ang nasabing habulan sa pagbangga ng suspek sa isang pulis na nabalian umano ng pelvic bone, apat na sasakyan ang nadamay at isang motorsiklo ang nasira nang nagpang-abot sila sa Brgy. Manggahan.

Nang lumabas umano ng kanyang sasakyan ang suspek at muling nagtangkang tumakas, ay inabutan ito ng mga pulis at nakumpiska sa kanya ang isang .45 kalibreng baril na may 7 bala.

Pinasinungalingan naman ni General Du, ang legal counsel at Secretary General ng Magsasaka Party-list, ang sinabi ng pulisya. Ang nasabing insidente aniya ay hindi isang lehitimong pagsisilbi lamang ng isang warrant of arrest kundi isang pagtatangka na dukutin at iligpit si “Lejun.”

Sinabi pa ni Du, ito ay assassination attempt dahil “puwersahan” umanong pinigilan ng nakasibilyang mga pulis si “Lejun”, pinosasan, binugbog at iniwang nakahandusay sa daan habang “pinag-usapan kung dadalhin sa istasyon ng pulisya o patayin na kaagad.”

(NEP CASTILLO)

3

Related posts

Leave a Comment