QUEZON – Patay ang isang negosyante makaraang barilin ng hindi nakilalang suspek na nanloob sa kanilang bahay sa Brgy. Malabanban Sur, bayan ng Candelaria noong Lunes ng madaling araw.
Base sa report ng Candelaria PNP, binaril ng mga suspek ang biktimang negosyante na si Willy Sy, 59-anyos, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang matuklasan nito ang dalawang lalaking armado ng baril sa loob ng kanilang bahay.
Batay sa imbestigasyon, nang makapasok ang mga suspek, niyapos ng isa sa mga ito ang anak na babae ng biktima.
Tinangka namang agawin ng ama ang baril nito subalit binaril ito ng isa pang suspek at tinamaan sa dibdib.
Mabilis na tumakas ang dalawang suspek tangay ang hindi pa matukoy na halaga ng pera.
Isinugod ang biktima sa Candelaria Doctors Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Nagsagawa ang pulisya ng hot pursuit at dragnet operation at nire-review ang mga CCTV para makilala ang dalawang suspek at para sa posibleng pagdakip ng mga ito. (NILOU DEL CARMEN)
