NASA matinding pagsasanay ngayon ang official 4-man lineup ng Pilipinas sa 2020 3×3 Olympic Qualifying Tournament sa Bengaluru, India sa Marso 18-22, 2020. Kinabibilangan ang grupo nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Moala Tautuaa at Jaymar Perez.
Ang magandang samahan ng mga manlalaro ang inaasahang magdadala sa top two 3×3 kina ranked players Munzon at Pasaol, kasama sina SEAG 3×3 gold medalists Tautuaa at Perez.
Nasisilip na ng SBP Selection Committee, sa pamumuno ni SBP Executive Director Sonny Barrios at mga miyembro na sina SBP Coaches Academy Head Jong Uichico, coaches Pat Aquino, Eric Altamirano at Ronald Magsanoc na siyang team delegation head sa India, ang magandang resulta sa preparasyon ng koponan para sa upcoming OQT.
Sina Serbian trainors Stefan Stojajic at Darko Krsman, pawang 3×3 specialists, ang nangangalaga sa day-to-day practice at training ng koponan at iba pang pool players.
Nagpakitang gilas si Perez, mula sa maagang Gilas game vs Indonesia sa Jakarta noong Pebrero 24. Apat na Serbian 3×3 players ang lumaban sa koponan upang lalo pang mahasa ang mga manlalarong Pinoy at mapaghandaan ang opposing teams sa kanilang grupo kabilang na ang Slovenia, France , Qatar at Dominican Republic sa Pool C.
Ang top two (2) teams ang aabante sa quarterfinals playoff round. (DENNIS INIGO)
