APAT na umano’y drug supplier ang nasakote ng mga operatiba ng DDEU SPD, DEU at Intelligence Section ng Makati City Police Station sa serye ng buy-bust operation noong Huwebes.
Isang Marlon Mina ang nadakip sa Pili Avenue, Barangay West Rembo, Makati City dakong alas-10:05 umaga ng mga tauhan ng SDEU at intelligence operatives ng Makati CPS sa buy-bust operation.
Nakuha sa suspek na si Mina ang tinatayang 18 gramo ng shabu na may presyong P122,400, at isang Suzuki motorcycle.
Noon ding Huwebes ay nahuli sa Kalayaan Avenue, Brgy. West Rembo, Makati City dakong 1:30 ng hapon ng kaparehong police team sa ikinasang buy-bust operation ang suspek na si Bili Rose Babon makaraang makabili ng shabu ang isang poseur buyer.
Nakuha sa suspek ang 71 gramo ng shabu na may presyong P482,000, at isang Honda Mio Sporty motorcycle.
Dakong alas-2:00 ng naman ng hapon, nagkasa ng buy-bust operation ang DDEU, SPD sa #1274 Cetuar St., Brgy. Rizal, Makati City at nadakip ang mga suspek na sina Hubert Dale Irinco at Jimmy Furio.
Nakuha sa dalawang suspek ang P74,800 halaga ng shabu, isang ITACA cal. 45 pistol na may dalawang magazine at pitong bala.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at may dagdag na kasong paglabag sa RA 10591 (illegal possession of firearms) sina Irinco at Furio. (DAVE MEDINA)
