(Ni BERNARD TAGUINOD)
Matapos hindi magkasundo ang dalawang kapulungan sa panukalang batas na gawin apat (4) na araw na lamang ang pasok sa trabaho kada linggo noong nakaraang Kongreso, muling binuhay ang panukalang ito bilang alternatibo sa problema sa trapik sa Metro Manila.
Sa House bill 1904 na inakda ni Baguio City Rep. Mark Go, kailangang seryosohin na ang nasabing panukala dahil malaking tulong aniya ito para maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
“Through this method, the normal work week is reduced to less than six days but the total number of normal work hours per week shall remain at 48 hours. This concept can be adjusted accordingly in cases where the normal work week of the company is five days,” anang mambabatas.
Sa kasalukuyan, 5 araw kada linggo ang pasok ng mga empleyado ng gobyerno habang 6 na araw naman sa mga manggagawa sa pribadong sektor kung saan 8 oras kada araw nagtatrabaho ang mga ito.
Subalit sa ilalim ng nasabing panukala, magiging 10 oras na ang trabaho ng mga manggagawa sa pampublikong sektor kaya magiging 4 na araw na lamang ang pasok ng mga ito kada linggo.
Sa pribadong sektor, mayroon aniyang kumpanya na pinayagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng compressed work week kaya walang dahilan para hindi ito gawin lalo na’t hindi naman nababawasan ang sahod ng mga empleyado.
Naniniwala ang mambabatas na mas mabisang paraan ito para maibsan ang lumalalang problema sa trapiko lalo na sa Metro Manila imbes aniya na tanggalin ang mga provincial bus sa Edsa.
Maliban dito, makakatulong din aniya ito sa mga manggagawa para magkaroon ng mga ito ng mahabang oras sa kanilang pamilya dahil sa ngayon ay nababawasan ang panahon ng mga ito sa loob ng kanilang bahay dahil pahaba ng pabaha ang nasasayang nilang panahon sa kalsada dahil sa problema sa trapiko.
Kasabay nito, umapela si Go sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na tuluyang iabandona ang kanilang planong tanggalin ang mga provincial bus sa Edsa dahil hindi ito makatutulong para maresolbahan ang problema sa trapiko bagkus ay pahihirapan lang umano ng ahensya ang mga tao.
