NAGKAROON ng tensyon sa Cavite matapos makatanggap ng bomb threat ang apat na paaralan sa magkakahiwalay na insidente.
Unang nakatanggap ng banta ang Luksuhin Integrated School sa Alfonso, Cavite bandang alas-7:00 ng umaga matapos makatanggap ng chat message sa kanilang Facebook page. Sa mensahe, may nagbabala umano na may bomba sa loob ng paaralan at hinikayat ang administrasyon na magsagawa ng imbestigasyon.
Bandang alas-11:20 naman ng umaga, nakatanggap ng mensahe ang Cavite Community Academy Inc. sa Naic, Cavite mula sa isang nagpakilalang “Crep Kirt” na nagbabantang bobombahin ang limang paaralan sa Naic at mananakit ng isang estudyante sa napiling eskwelahan sa Pebrero 5, 2026.
Kaparehong mensahe rin ang natanggap ng Immaculate Conception School sa Naic bandang alas-11:22 ng umaga.
Samantala, bandang alas-12:20 ng tanghali, nakatanggap din ng Facebook message ang Centro de Naic School mula rin sa parehong account na may kahalintulad na banta.
Agad nagdeklara ng class suspension ang pamunuan ng apat na paaralan at nakipag-ugnayan sa PECU Cavite Explosive Ordnance Disposal and Canine Group para sa inspeksyon sa mga lugar.
Nakipag-ugnayan din ang mga paaralan sa Provincial Anti-Cybercrime Unit ng Cavite PPO para sa forensic examination at pag-trace sa pinagmulan ng mga mensahe.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala namang naitalang pagsabog.
(SIGFRED ADSUARA)
4
