4 MIYEMBRO NG DRUG SYNDICATE SA NBP, TIKLO

NAKATISOD ang Philippine National Police (PNP) ng ‘matibay’ na ebidensiyang magpapatunay na mayroon pa ring umiiral na drug syndicate sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ang bagong impormasyong ito hinggil sa kampanya laban sa ilegal na droga ay batay sa nasakoteng umano’y tatlong pusher noong Sabado sa Lungsod ng Cabanatuan, ayon kay Lt. Col. Bernard Danie Dasugo, hepe ng pulisya ng nabanggit na lungsod.

Ani Dasugo, sina Michael Correa alyas “Paleng,” 38-anyos; Teresita Francisco alyas “Tess,” 49, at Celedonia Caseria alyas “Ine,” 66, ay nadakip sa buy-bust operation na ikinasa sa Barangay Campo Tinio, dakong alas-2:30 ng umaga noong Marso 13.

Sa nasabing buy-bust operation, P500 halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu, ang binili ng nakasilbilyang pulis kay Francisco na siyang naging hudyat upang dakpin ang tatlong suspek.

Nang kapkapan at alamin ang laman ng coin purse, 52 pirasong plastic sachets na naglalaman ng shabu ang nakumpiska, banggit ni Dasugo.

Umabot sa 250.23 gramo ng shabu ang nakuha na P1.7 milyon ang halaga.

Ang isa pang suspek na kinilalang si Michael Nicolas na nagsilbing “lookout” ng tatlo, ay mabilis na nakatakas.

Isiniwalat ni Dasugo na ang apat ay mga kasapi ng “bigtime drug syndicate” na pinamumunuan ng drug lord na nakakulong sa NBP.

Ang ibinunyag na ito ng opisyal ay batay sa resulta ng tinatawag na “custodial investigation” ng pulisya.

Matatandaang ilang ulit na idiniin ng ilang pangunahing opisyal ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noon na may sindikato ng ilegal na droga na nakabase sa loob ng NBP. (NELSON S. BADILLA)

162

Related posts

Leave a Comment