APAT na miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos matabunan ng landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng Tropical Storm Basyang sa Cagayan de Oro City kamakalawa ng gabi.
Tatlo naman ang naiulat na sugatan sa hiwalay na insidente sa Misamis Oriental, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Kinilala ang mga nasawi sa pagguho ng lupa sa Barangay Agusan na sina Paul Lariosa, 47; asawa nitong si Ruffah Lariosa, 35; isang 12-anyos na bata at isang 11-buwang gulang na sanggol na kanilang kaanak.
Ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo, lumambot ang lupa malapit sa isang quarry area dulot ng tuluy-tuloy na ulan na siyang nagdulot ng landslide.
Samantala, nilinaw ng OCD na walang direktang kaugnayan sa landslide ang pagkasugat ng tatlong biktima sa Barangay Gumoong, Misamis Oriental na nabagsakan ng debris habang hinahagupit ng bagyo ang lugar.
Bagama’t humina na ang Tropical Storm Penha (Basyang) at naging tropical depression na lamang, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 32 lugar sa bansa.
(JESSE RUIZ)
4
