ILOILO – Dead on the spot ang dalawang lalaki habang patay naman nang idating sa pagamutan ang dalawang iba pa matapos na mawalan ng kontrol at bumaliktad ang isang cargo truck nitong Biyernes ng madaling araw sa bayan ng Sara sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Sara Police Office, namatay ang mga biktima matapos maaksidente ang truck na may kargang mais, sa Barangay Apelo, sa munisipalidad ng Sara.
Kinilala ng mga awtoridad ang unang namatay na sina Henry Diyan Jr., 35-anyos na driver ng truck, at Rey Sinoy, 25, pahinante.
Idineklara namang dead on arrival sa pagamutan sina Romualdo Norsan, 30, at Jaime Ciudad, na naipit ng truck at natabunan pa ng karga nitong mais.
Ang mga ito ay natutulog sa loob ng isang dryer facility nang mangyari ang insidente.
Base sa pagsisiyasat ng Sara MPS, binabagtas ng nasabing truck ang national highway, sakop ng Barangay Apelo, nang biglang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito.
Sa bilis ng takbo at bigat ng kargamento ay tuluyan nang hindi nakontrol ni Diyan ang minamaneho dahilan para bumaliktad ito.
Nagpaikot-ikot muna ang truck bago tuluyang bumangga sa dryer facility na kinaroroonan nina Norsan at Ciudad. (JESSE KABEL)
198 