SELOSO BINARIL NG KAPWA SEKYU

LAGUNA – Sugatan ang isang dating sekyu makaraang barilin ng isang security guard na kanyang pinagselosan nang makitang kausap ng suspek ang misis ng una sa harap ng isang mall sa Brgy. VII-E San Pablo City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Norley Enriquez Monteroyo, dating security guard, habang ang asawa naman nito ay si Nimfa Monteroyo, sekyu ng ME and City Department Store sa nasabing lugar.

Ang suspek naman ay si Rolando Meroso Malupay, sekyu rin sa nasabing establisiyemento.

Ayon sa ulat, habang duty sina Rolando at Nimfa ay nakita ni Norley na nag-uusap ang mga ito sa harap ng mall bandang alas-7:20 ng gabi.

Biglang sumugod ang biktima at kinompronta si Rolando dahil hinihinalang may relasyon ang dalawa.

Gayunman, biglang bumunot ng baril si Rolando at dalawang beses na pinaputukan si Norlely.

Isinugod ang biktima sa San Pablo City General Hospital habang agad namang nadakip ang suspek. (CYRILL QUILO)

 

355

Related posts

Leave a Comment