APAT katao ang namatay nang biglang sumambulat ang ginagawa nilang homemade dynamite sa sumambulat sa Sitio Ipil, Barangay Buyo, Claveria, Masbate.
Sa impormasyong ibinahagi ni PNP-PRO5 Information Officer Police Major Malou Calubaquib, ipinag-utos ni Bicol PNP chief, Police Brig. General Mario A. Reyes na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nangyaring pagsabog ng dinamita at alamin ang source ng kemikal na ginamit sa paglikha ng mga pampasabog.
Kinilala ang mga namatay na sina Ryan Maǹapao, 30-anyos; Eddie Maloloy-on Jr., 20; Jonathan Lape, 41, at Roque Mar Guazon, 19, pawang mga mangingisda.
Sa isinumiteng ulat ng Masbate Police Provincial Office, base sa inisyal na report na kanilang natanggap mula sa barangay na may sakop sa lugar, kasalukuyang gumagawa ng mga dinamita ang apat na mga biktima para sa pangingisda nang biglang magkaroon ng pagsabog sa loob ng bahay ni Maloloy-on.
Sa lakas ng pagsabog, halos nawasak ang lugar na kinaroroonan ng mga biktima na pawang dagliang namatay. (JESSE KABEL)
