CAVITE – Patay ang tatlo kataong magkakaangkas sa motorsiklo nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang Isuzu tractor sa Gen. Trias City noong Lunes ng madaling araw.
Pawang isinugod sa Gen. Trias Medicare Hospital ang mga biktimang sina Jose Tuy Jr. y San Andres, 24, driver ng motorsiklo; Junel Tuy y Pakris, 18, at John Paul Basco, 22, pawang construction worker at mga residente ng Almanza Uno, Las Pinas City, subalit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Jayson Olivar ng Gen. Trias City Police, dakong alas-12:30 noong Lunes ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Gov. Ferrer Drive corner Bagong Kalsada Rd., Brgy. Pasong Kawayan 2, Gen. Trias City.
Minamaneho ni Edgar Saquitan y Ruiz, 42, ang Isuzu Tractor na may plakang RHF 110, galing sa Manggahan Junction patungo sa direksyon ng Gen. Trias City proper habang galing naman sa Bagong Kalsada Road ang motorsiklo ng mga biktima.
Pagsapit sa nasabing lugar nang sumalpok ang motorsiklo sa likuran sa kaliwang bahagi ng Isuzu tractor at sa lakas ng impact, tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Samantala patay rin si JM Acillar nang ang motorsiklo nito ay sumalpok sa likuran ng isang nakahintong motorsiklo sa national highway sa Brgy. Quinale, Paete, Laguna, dakong alas-3:10 ng hapon.
Ayon sa Paete Police, mabilis ang takbo ng biktima kaya hindi nito naiwasan ang nakahintong sinusundang motorsiklo na naghihintay makaliko sa highway.
Sugatan naman ang driver ng nasalpok na motorsiklo na si Eliel Evangelista. (SIGFRED ADSUARA/NILOU DEL CARMEN)
198
