4 PATAY SA P272-M SHABU BUY-BUST SA TAGUIG CITY

APAT na big time drug personality ang napatay ng mga tauhan ng PNP-National Capital Regional Police Office at PNP Drug Enforcement Group habang aabot sa P272 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang anti-narcotics operation nitong Lunes sa Taguig City.

Ayon kay PNP-NCRPO chief, P/BGen. Vicente Danao, aabot sa 40 kilo ng shabu na tinatayang P272 milyon ang street value, ang nasamsam ng PNP-DEG at NCRPO sa ikinasang buy-bust operation bandang alas-5:00 ng umaga sa Circumferential Road 6 sa Brgy. Sta. Ana ng nasabing siyudad.

Sa impormasyong ibinahagi ni Danao, matapos ang ilang test buy at surveillance operation, ikinasa ni P/Lt. Col. Hansel M. Marantan, pinuno ng Regional Intelligence Division-Regional Drug Enforcement Unit, ang anti-illegal drugs buy-bust operation sa pakikipag-ugnayan sa PDEA, na nagresulta sa armadong sagupaan na ikinamatay ng apat na mga suspek.

Sinabi ni Danao, sa kalagitnaan ng ilegal drug transaction, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek nang makatunog na mga pulis ang katransaksiyon.

Ayon pa sa heneral, kasalukuyan pa nilang inaalam kung kaninong grupo o anong sindikato ang kinabibilangan ng mga suspek.

Tinukoy naman ni PNP chief, Gen. Debold sinas na kilalang drug lord ang dalawa sa apat na mga indibidwal na napatay sa buy-bust operation.

Kinilala ni Sinas ang dalawang umano’y drug lords na sina Christopher Ocarol at Alan Catalan.

Bukod sa 40 kilo ng shabu, kabilang din sa mga nasamsam ang isang charcoal gray Mitsubishi Pajero FieldMaster (ZMR-277), buy-bust money, isang Armscor .45 caliber pistol, isang caliber .38 revolver, dalawang 5.56 M16 rifle at mga bala. (JESSE KABEL)

146

Related posts

Leave a Comment