NADAKIP ang isang sibilyan at apat na mga pulis na mga protector at escort umano ng drug laboratory, sa isinagawang drug bust operation ng mga awtoridad sa #366-B Finback St., West Kalayaan, SBMA Freeport Zone, Olongapo City nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng CIDG sa CPNP/Command Group, kinilala ang mga arestado na sina Jericho Dabu, sibilyan, at apat na mga pulis na sina P/Lt. Reynaldo Basa, Jr., P/Cpl. Gino Dela Cruz, P/Cpl. Edesyr Victor Alipio at P/Cpl. Godofrey Duclayon Parantela, pawang nakatalaga sa SDEU-PS2 ng Olongapo City Police.
Batay pa sa report, isinagawa ang operasyon nitong Enero 15, dakong alas-12:30 ng madaling araw sa nabanggit na address, sa pangunguna ng CIDG-NMMFU, sa tulong ng CIDG ZAMBALES, RFU 3, PDEA NCRO, PNP Maritime, PDEA RO3, PDEG SOU 2, RID, PRO3, RIU3 IG at LED/IIO SBMA.
Ayon sa report, nadiskubre ang shabu laboratory nang si Dabu (subject ng buy-bust) ay tumakbo sa kanyang bahay na kinaroroonan ng laboratoryo.
Ang pakay umano ng follow-up operation ay ang sindikatong nasa likod ng clandestine laboratory na pinangungunahan ng isang Canadian national na si Timothy Hartley na nakatakas, isang cook, at isang Pinoy na taga-deliver ng shabu at apat na pulis mula Subic Station Drug Enforcement Unit, na tumatayong mga protector at tumutulong sa pagtutulak ng illegal drugs.
Kasunod na nadakip ang mga pulis sa kalapit na bahay sa nabanggit na lugar.
Ang nasabing operasyon ay nasa ilalim ng case operational plan ng PDEA-NCR at CIDG Northern District. (JOEL O. AMONGO)
