APAT katao ang sugatan, kabilang ang tatlong rider at angkas na babae, makaraang magkarambola ang ilang sasakyan sa Taft Avenue at Finance Road sa Ermita, Manila noong Miyerkoles ng hapon.
Timbog sa mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau ang suspek na si Anthony Santos ng Hagonoy, Bulacan, driver ng itim na kotseng Honda (THI-328).
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng rescue team ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga nasugatan na hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan.
Base sa ulat ng District Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District, unang nakasagi ang sasakyan ni Santos ngunit imbes na huminto ay tumakas kaya hinabol hanggang sa makabangga uli ng ilang sasakyan na nagresulta sa karambola sa kalsada, kabilang ang mga biktimang motorcycle riders.
Nang abutan, ikinatuwiran ni Santos na sinikap niyang pahintuin ang kanyang sasakyan ngunit nagpatuloy ito sa pag-andar.
Agad siyang humingi ng paumanhin sa mga nasugatan at binigyang-diin na hindi niya ninais na makasakit ng iba. (RENE CRISOSTOMO)
