4 sundalo tinokhang ng pulis – solon WHITEWASH SA SULU MURDER LUMUTANG

TINANGKANG pagtakpan ang kaso ng pamamaslang sa mga sundalo sa Jolo, Sulu matapos makakuha ng ebidensya na nagpapakitang may mga taong nag-tamper sa crime scene upang palabasin na nagkaroon ng engkuwentro.

Ito ang pinalutang ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles nang mapanood ang video.

“One doesn’t need to be a forensic scientist to see that all the victims who were all sprawled near their vehicle were not armed. It is a well and established rule to not fire unless fired upon, and, based on the reports I have received, the Army personnel did not shoot first. Sounds like a rubout to me,” ani Nograles.

Dahil dito, magpapatawag ng imbestigasyon si Nograles at hindi pa rin mawala ang kanyang ngitngit sa nangyari kahit sinibak na sa kanilang puwesto at nakakulong ang mga sangkot na pulis.
“The murder suspects are now detained and an ongoing investigation is welcome. But I join with the outrage against these irresponsible acts,” ayon pa sa mambabatas.

TOKHANG

Biktima ng tokhang ng Philippine National Police (PNP) ang apat na miyembro ng Philippine Army sa Jolo, Sulu.

Ganito naman inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang sinapit nina Army Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco at Corporal Abdal Asula sa kamay ng mga pulis sa Sulu.

“Yung pag-enable ng tokhang mentality [ng mga pulis] sa ating bansa ay nangyari mismo [sa mga sundalo] sa Sulu,” ani Zarate at kaya umano nangyayari ang ganito ay dahil hindi napapanagot ang mga pulis na sangkot sa tokhang.

“Yan [Sulu incident] show how the state of impunity in our country is running amock. Nag-aamok na,” dagdag pa ng mambabatas sa kanilang virtual press conference kahapon.

Nagamit aniya ng mga pulis sa mga sundalo ang kanilang mentalidad na nanlaban ang mga suspek kaya walang awang pinaslang.

Nangangamba ang mambatas na lalong aabuso ang mga pulis kapag tuluyang naging batas ang anti-terror bill dahil kung ginagawa aniya nila ito sa mga sundalo ay lalong walang makapipigil sa kanila na gawin ito sa mga sibilyan.

SENATE PROBE

Samantala, nais ding paimbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa inihaing resolusyon ang pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na mas lalong tumingkad ang kawalan ng tiwala ng taumbayan sa PNP sanhi ng insidente bukod pa sa pinatay ring sundalo sa Quezon City noong Abril.

“The incident in Jolo further feeds the public’s distrust toward the PNP. Lalo pa at hindi ito first time na nangyari,” ayon kay Hontiveros.

“Hindi puwedeng trigger-happy ang ating kapulisan,” idinagdag ng senador sa paghahain ng panukalang Senate Resolution No. 460 na may layunin na magsagawa ng kaukulang batas laban sa labis na paggamit ng puwersa at karahasan ng pulisya.

Sa resolusyon, binanggit ng senador ang dalawang insidente na nagpapakita ng nakababahalang porma ng police behavior na kailangan ng long-term strategic measure at pagkilos ng Lehislatura.

“The police gunned down unarmed plainclothes soldiers, who could easily have been innocent civilians. Alam din natin na maraming sibilyan na ang namatay sa kamay ng mga pulis. Ilan pa ang kailangan mamatay — sibilyan man o militar, sa Maynila man o sa Jolo — para matigil ang karahasang ito?” ayon kay Hontiveros.

NBI

Kaugnay nito, positibo ang Department of National Defense sa magiging resulta ng ginagawang imbestigasyon ng National Bueau of Investigation sa kaso.

Tiwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na agad matatapos at mareresolba ng NBI ang kanilang imbestigasyon lalo pa at nakamasid dito si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“I think the investigation is about to be finished. According to Sec. Año yesterday (Martes) I think he already has the initial result of the investigation …pahayag ni Sec. Lorenzana sa ginanap na NDCP forum sa Camp Aguinaldo kahapon.

Samantala, pilit na pinapayapa ni Lorenzana ang mga tauhan ng AFP partikular sa Mindanao na huwag nang paypayan pa ang nag-aalab na emosyon ng mga sundalo bunsod ng pangyayari.
“I told the troops, the commanders yesterday that, to, let us not inflame the emotions of the soldiers, we do not want this to escalate some more, anyway something is being done we will get to the bottom of this, anang kalihim. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES/JESSE KABEL)

122

Related posts

Leave a Comment