NASAWI ang apat na mangangaso ng baboy-ramo matapos masabugan ng bomba na pinaniniwalaang itinanim ng mga teroristang Dawla Islamiya sa bukid ng Masalum, Lanao del Sur, iniulat kahapon.
Naganap ang pagsabog sa Sitio Bangko, Barangay Tongan-Tongan, Madalum, Lanao del Sur.
Kinilala ni Lanao del Norte Provincial Police Office spokesperson Maj. Salman Saad ang mga nasawi na sina Leo Baloro, 24; Nito Bacayan, 22; Lito Angcap, 22 at Francis Alcaba, 32, na taga Barangay Poblacion, Bacolod, Lanao del Norte.
Nakaligtas naman ang dalawa pa nilang kasamahan na kinilalang sina Christopher Allen, 18 at Anoy Ancap, 58.
Sinabi ni Saad na ang anim na kalalakihan ay mga wild pig hunter at hindi nila napansin na nakarating na sila sa lugar na sakop ng Madalum.
Habang naghahanap ng baboy ay may malakas na pagsabog silang narinig. Dito nakita nina Ancap at Allen na sugatan ang mga kasamahan kaya’t humingi sila ng tulong sa Munia police station, ang katabing bayan ng Masalum.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PNP sa insidente. (BONG PAULO)
