UMABOT sa 42 mga kasong kriminal ang isinampa ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ngayong 2021 laban sa mga importers at Customs brokers na tahasang lumabag sa batas ng importasyon.
Ayon sa BOC, resulta ito ng puspusang kampanya ng ahensiya, sa ilalim ng liderato ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, laban sa iligal na importasyon at ismagling ng mga produkto papasok sa bansa.
Isa sa 42 ay ang kasong isinampa ng BOC laban sa Ben Zachary Agricultural Trading na posibleng lumabag sa Customs Law at kautusan ng Department of Agriculture (DA).
Ang kaso ay isinampa noong Hunyo 11 ng taong kasalukuyan.
Ibinatay ng BOC ang kaso ng Ben Zachary Agricultural Trading sa importasyon ng 1,992 bags ng sibuyas nang wala umanong permit, o pahintulot, mula sa DA.
Ayon sa BOC, ang mga sibuyas na P925,131.20 ang kabuuang halaga ay dinala sa Port of Davao (POD) noong Abril 2.
Idiniin ng BOC na tahasang paglabag sa Seksiyon 1401 (c) ng Republic Act 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may koneksyon sa mga Seksiyon 1430, 1113 (l) (5), 117, at 404 ng parehong batas.
Nilabag din umano ng Ben Zachary ang Seksiyon III (A) ng DA Agriculture Administrative Order No. 09, Series of 2010 na nakaugnay naman sa DA Agriculture Administrative Order No. 02, Series of 2020, o ang “Strengthened Guidelines in Monitoring and Evaluation of Local Production and Importation of Onion (allium cepa) and Garlic (allium sativum).”
Ang isa pa ay ang kasong kriminal na inihain naman ng BOC laban sa mga empleyado ng Happy Chef Inc. dahil sa ‘di awtorisadong “disarming” ng
“Electronic Customs Seals” na bahagi ng E-TRACC System.
Ayon sa BOC, tinanggal ang Electronic Customs Seals sa container ng Happy Chef Inc. noong Nobyembre 13, 2020.
Isinagawa ang ‘krimen’ sa bodega umano ng Happy Chef Inc. habang wala pang “end trip authorization from the Bureau of Customs – Piers and Inspection Division”, pahayag ng BOC.
Idiniin ng BOC na labag sa Seksiyon 10.13.1 at 10.13.4 ng Customs Memorandum Order (CMO) No. 04-2020 na nakaugnay sa Seksiyon 10.12 at 14 ng CMO 04-2020 at mga Seksiyon 1420, 1421 at 1430 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang ginawa ng mga manggagawa ng nabanggit na kumpanya.
