45K BATANG LAS PIÑAS HANDA NA SA BAKUNA

HINDI bababa sa 45,000 kabataang edad 12 hanggang 17 mula sa Las Piñas ang nagpahiwatig ng pagnanais na bakunahan kontra COVID-19 sa ilalim ng Bakunahan sa Kabataan program na pinangangasiwaan ng nasabing lungsod.

Sa isang pahayag, sinabi Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar na mas paiigtingin pa nila ang kanilang education and information campaign kaugnay ng buting dulot na bakuna, lalo pa’t hindi pa nila naaabot ang target na 65,000 general pediatric population sa kanilang lokalidad.

Gayunpaman, lubos aniya siyang nalulugod sa mainit na pagtanggap ng mga magulang at guardian sa panawagan ng lokal na pamahalaan sa pagpaparehistro ng mga kabataan sa hangaring mabigyang proteksyon ang tukoy na age group laban sa nakamamatay sa karamdaman.

Patuloy naman ang pagbisita ng alkalde kasama si Vice Mayor April Aguilar sa pitong natukoy na vaccination sites ng lungsod upang bigyan ng kumpiyansa ang mga bata maging ng kanilang magulang ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa nakamamatay na virus.

Para sa natitirang 20,000 kabataang hindi pa nakakapagpatala, maari aniyang magparehistro sa Department of Education (DepED), sa mga barangay o gamit ang online registration link ng lungsod — https://bit.ly/e-covid19reg.

Oktubre 22 pa nang umpisahan ng lokal na pamahalaan ang vaccination roll out para sa general pediatric population. Sa bawat araw na lumilipas, higit na dumarami pa ang nagnanais na maturukan kontra COVID-19

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga magulang o guardian na kung sakaling makaranas ng anumang side effect ang kanilang mga anak pagkatapos mabakunahan, na i-scan lamang ang QR code na nakapost sa Las Piñas City government Facebook page at sagutan ang mga katanungan para sa mabilis na tugon ng lokal na pamahalaan. (DAVE MEDINA)

241

Related posts

Leave a Comment