5 BAHAY SA RESIDENTIAL COMPOUND NATUPOK

RIZAL – Limang bahay ang tinupok ng apoy sa isang residential compound sa Flora St., Brgy. Imatong sa bayan ng Pililla sa lalawigan dakong alas-7:10 ng gabi noong Sabado, Mayo 17.

Ayon sa report ng BFP Pililla, nagsimula ang apoy sa isa sa mga bahay sa Ferry-Tibay-Marientes Compound V dahil sa depektibong kable ng kuryente.

Kaagad nagpulasan palabas ang mga residente dala ang mahahalagang mga gamit.

Agad namang nagresponde ang mga firetruck ng BFP kasunod ang mga tauhan ng Pililla Municipal Police Station upang magbigay ng seguridad at tumulong sa mga bumbero.

Idineklarang kontrolado ang sunog alas-8:10 ng gabi makalipas ang mahigit isang oras na paglalagablab.

Wala namang naiulat na nasugatan ngunit 25 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos matupok ang buong compound.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung magkano ang kabuuang halaga ng pinsala ng insidente samantalang naghahanda ang lokal na pamahalaan ng pansamantalang matutuluyan para sa mga nawalan ng tirahan.

(NILOU DEL CARMEN)

40

Related posts

Leave a Comment