QUEZON – Maririnig ang daing at paghingi ng saklolo ng isa sa mga sakay ng nagsalpukang tatlong truck na ikinamatay ng isang biktima at ikinasugat ng apat na iba pa sa aksidenteng nangyari sa bayan ng Atimonan sa lalawigan noong Sabado ng hapon.
Agad namang dumating ang mga responder mula sa PNP, BFP, MDRRMO at iba pang rescue volunteers at umabot ng mahigit tatlong oras ang isinagawang rescue operation bago nahugot ang lahat ng mga sakay ng nagsalpukang mga truck.
Kinailangan pa ng mga itong gumamit ng cutting tools, mga hagdan at iba pang rescue equipment para makuha ang naipit na mga biktima.
Ayon sa report ng Atimonan Police, nangyari ang aksidente sa Maharlika Highway sa bahagi ng Brgy. Balubad, Atimonan.
Unang nagkasalpukan ang magkasalubong na dalawang wing van truck.
Sa tindi ng impact ay parehong nawasak ang cab ng dalawang truck.
Hindi naman nakaiwas ang isa pang truck na kasunod ng isa sa mga wing van truck at sumalpok din ito sa kanang bahagi ng sinusundang truck.
Kumalat ang langis at gasolina sa daan kaya kaagad nag-activate ng Incident Management Team ang LGU at pinakilos ang force multipliers at mga barangay tanod para sa traffic management.
Nagdulot ang insidente ng pansamantalang pagsasara ng trapiko sa lugar at pinadaan muna ang mga sasakyan sa Bondoc Peninsula road.
Matapos ang rescue operation sa mga sakay ng dalawang unang nagsalpukang truck, isinugod ang mga sugatan sa ospital sa Atimonan dahil sa mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pumanaw ang isa sa mga driver ng tatlong truck habang nilalapatan ng lunas ang apat na sugatan.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng salpukan.
(NILOU DEL CARMEN)
