LIMANG hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang lolo, ang arestado matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng umano’y shabu sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa mga lungsod ng Valenzuela at Malabon.
Ayon kay P/Lt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police, dakong ala-una ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Dodie Aguirre, ng buy-bust operation sa East Service Road, Brgy. Paso De Blas na nagresulta sa pagkakaaresto kay Aron Cedrick Gomez, 21, mekaniko, at Javier Villamor, 18.
Ani P/Cpl. Pamela Joy Catalla, nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 8 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P54,400, marked money, P200 cash, dalawang cellphones, at motorsiklo.
Bandang ala-1:50 naman ng madaling araw nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Sto. Rosario, Brgy. Mapulang Lupa si Joseph Cortez alyas “Boss”, 40.
Ani P/Cpl. Christopher Quiao, nakuha sa suspek ang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Sa Malabon City, naaresto naman ng mga operatiba ng SDEU ng Malabon Police, sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Albert Barot, sa buy-bust operation sa P. Concepcion St. Brgy. Tugatog sina Rogelio Madeja alyas “Dida”, 61, (pusher/listed), at Khaleb Guevara alyas “Khay”, 28.
Nakumpiska sa mga suspek ang 2.38 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P16,184, at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
