ISANG tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang napatay ng hinihinalang mga kasapi ng New People’s Army matapos na magsagawa ng law enforcement operation sa bayan ng San Miguel sa Catanduanes noong Martes.
Agad na ipinag-utos ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo sa kanyang mga tauhan na huwag lubayan ang armadong kalalakihan na nanambang sa apat na pulis mula sa San Miguel MPS, kasama ang tatlong pulis mula sa provincial intelligence unit ng PNP, na nagsagawa ng operasyon para mag-serve ng warrant of arrest sa Barangay J.M. Alberto, Sitio Tucao alas-10:00 ng umaga.
Isinakay umano sa motorsiklo ang katawan ng napatay na pulis at inikot sa barangay matapos ang engkwentro. Ayon kay PNP-PRO5 Spokesperson P/Major Malou Calubaquib, walang katotohanan na may nadukot na tatlong pulis sa isinagawang opensibang gerilya ng CPP-NPA dahil agad na nasaklolohan ang limang pulis na kasama ng napaslang.
Sinabi naman ni Gen. Estomo, ang buong pamunuan ng Police Regional Office 5, kasama ang buong Bicolandia ay mariing kinondena sa pinakamataas na lebel, ang kawalanghiyaan at pananamantala ng mga miyembro ng rebeldeng grupo sa probinsya ng Catanduanes. (JESSE KABEL)
182
