CAMP SIONGCO, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte – Sa halip na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan, kulungan ang binagsakan ng limang kalalakihan matapos silang mahulihan ng baril at hinihinalang drug paraphernalia sa isinagawang checkpoint operation ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion at pulisya sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Loqui O. Marco, pinuno ng 90IB, bandang alas-dose ng tanghali noong Hunyo 12, habang nagsasagawa ng lehitimong checkpoint operations sa nasabing bayan ang mga sundalo at pulis, napadaan ang isang silver na minivan at ito ay nakitaan ng armas sa loob nito.
Kalaunan ay natuklasan ang isang M4 rifle na may kasamang magasin, pati na rin ang hinihinalang mga kagamitan sa paggamit ng ilegal na droga.
Kasalukuyang bineberipika ang tunay na pagkakakilanlan ng limang arestado.
Ang mga suspek ay agad na itinurn-over sa Shariff Aguak Municipal Police Station para sa karampatang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na pagbabantay ng Kampilan Troopers sa seguridad at kapayapaan ng ating rehiyon.
“Sa tulong ng ating mga kasundaluhan at pakikipagtulungan sa kapulisan, muli nating naipamalas ang ating determinasyon na supilin ang anomang uri ng banta, lalo na sa gitna ng makasaysayang selebrasyon ng “Araw ng Kalayaan”. Makakaasa kayo na ang inyong mga kasundaluhan sa Joint Task Force Central, ay mananatiling prayoridad ang kapakanan ng ating mga mamamayan at proteksyonan ang tinatamasa nating kalayaan.”
(JESSE KABEL RUIZ)
