LAGUNA – Buking ang 5.6 kilo ng marijuana na tinatayang P672,000 ang halaga, na kabilang sa package ng Keratin shampoo at food supplement na ipinadadala sa J&T Express sa bayan ng San Pedro.
Ayon sa report ni Laguna Provincial Director P/Col. Serafin Petalio II kay CALABARZON Regional Director P/BGen. Felipe Natividad, kinilala ang walk-in suspect na si alyas Gab na nahuli sa ibinigay niyang address sa Parañaque City.
Napag-alaman, nakatanggap ang San Pedro City Police Station ng tawag mula sa J&T Express Company sa Brgy. Landayan San Pedro City, Laguna bandang alas-11:00 ng gabi noong Nobyembre 18 hinggil sa 23 package na hinihinalang naglalaman ng ilegal na droga na umano’y nais ipadala ng suspek.
Agad pinuntahan ng mga tauhan Drug Enforcement Team (DET) ng San Pedro CPS ang tanggapan ng courier at natuklasang kabilang sa mga package ng tatlong pirasong stuff toys, 10 bote ng Keratin shampoo, 13 kahon ng food supplement, ang 51 nakarolyong marijuana na may bigat na 5.6 kilo at tinatayang P672,000 ang halaga.
Ang lahat ng mga ebidensiyang nakuha ay dadalhin sa Regional Crime Laboratory Office 4-A upang isailalim sa pagsusuri. (CYRILL QUILO)
210 