BATANGAS – Limang kalalakihan na mag-aama ang sugatan makaraang masangkot sa labo-labo ng dalawang pamilya sa Brgy. Bayanan, sa bayan ng San Pascual sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang si Cristoper Sola Sr., at mga anak nitong sina Cristoper Jr., Ken, Carl, at Ian, pawang mga residente ng lugar.
Ayon sa ulat ng San Pascual Police, bandang alas-9:20 ng gabi, habang ang tatay na si Christopher ay nasa kanilang talyer ay dumaan ang suspek na kinilala sa pangalang “Rommel Jr.” na sakay ng motorsiklo.
Sinasabing lasing si Rommel Jr., na tinangkang banggain ang dalawa sa mga anak ni Christopher Sr.
Pagkaraan ay umalis ang suspek na si Rommel Jr. subalit bumalik kaagad at armado ng patalim at sinaksak ang mga biktima na nauwi sa labo-labo nang gumanti ang tatay at magkakapatid.
Nakisali na rin sa kaguluhan ang dumating na tatay ni Rommel Jr. at pinaghahampas ang mga biktima ng isang piraso ng kahoy.
Nang maawat ang kaguluhan, sugatan ang mag-aamang biktima na dinala sa ospital habang naaresto naman ng nagrespondeng mga pulis ang nakalabang mag-ama.
Nahaharap ang mag-amang suspek sa kasong frustrated homicide at multiple physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)
