BINATIKOS ni Senador Ronald Bato dela Rosa ang katwiran ng administrasyon na obligasyon ng Pilipinas na makipagtulungan sa International Police Organization o Interpol kaya ipinatupad ang warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inakusahan pa ni dela Rosa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ipinagkanulo ang dating presidente sa International Criminal Court o ICC.
“Betrayal to the max ang nangyari,” pahayag ni dela Rosa.
Ipinaalala ni Dela Rosa na malinaw ang mga naging pahayag sa kanya noon ng Pangulo na hindi kailanman makikipagtulungan sa ICC kaya’t wala itong dapat ikabahala.
Para sa senador, mababaw na alibi ang pakikiisa sa Interpol dahil kung ayaw anya ng Pangulo na sila ay maaresto ay kaya nitong harangin.
Ngunit ang nangyari ay parang ang Malakanyang pa anya ang naging atat na ipaaresto at iturnover sa ICC ang dating Pangulo.
Idinagdag pa ng senador na hindi man lang binigyan ng pagkakataon na maiprisinta sa isang Local Court ang dating Punong Ehekutibo alinsunod sa legal na proseso.(Dang Samson-Garcia)
