5 PATAY SA BUMAGSAK NA TULAY, 2 PA MALUBHA

UMAKYAT na sa limang construction workers ang iniulat na nasawi habang dalawa pa ang nasa malubhang kalagayan matapos na mag-collapse ang ginagawang tulay sa Davao City noong Lunes ng hapon.

Ayon sa inisyal na ulat, bumagsak ang ginagawang tulay bandang alas-3:30 kamakalawa ng hapon sa Sitio Kibakak, Barangay Malamba, sa Marilog District, Davao City.

Ayon sa pahayag ni Dario Dispo, 42, foreman ng Bojus Sun Builders & Supply Corporation, sampu katao ang nagtatrabaho nang mangyari ang pagguho subalit pito sa mga ito ang na-trap sa guho habang nagkakabit ng side panel gamit ang isang boom truck.

Sa pitong naipit ay unang iniulat ang pagkamatay ng dalawang manggagawa na sina Jay Bangonan, 33, mason, at Rolando Abing, isang piyon.

Habang nilalapatan ng lunas sa Kibalang Hospital ang dalawang grabeng nasaktan sa pagbagsak ng tulay na kinilalang sina Meljay Bero at Jonathan Dispo.

Umabot pa ng gabi ang rescue operation bago nakuha ang tatlong laborer na na-trap at kinilalang sina Cris Napao, 44, mason; Jimboy Liga, 28, boom truck operator, at Elmer Sayson, 44, isa ring foreman sa construction site.

Sa ibinahaging update ni Police Capt. Hazel Tuazon, DCPO spokesperson, kinilala ang mga nasawi na sina Cris Napao, 44, mason; Jimboy Liga, 28, boom truck operator; Elmer Sayson, 44, foreman; Jay Bangonan, 22, mason; at Rolando Abing, 40, laborer.

Habang ang dalawang nakaligtas subalit kapwa sugatan ay sina Meljay Bero, 29, laborer, at Jonathan Dispo, 38, mason.

(JESSE KABEL RUIZ)

264

Related posts

Leave a Comment