UMULAN man at umaraw ay tuloy-tuloy pa rin ang “Tulong Pinansyal sa Montalban” ni Rizal, 4th District Congressman Fidel Nograles.
Katuwang ni Nograles sa kanyang pamimigay ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinatayang mahigit 1,000 mga kapos-palad na senior citizens, PWD, kababaihan, kabataang mag-aaral, at mga nawalan ng kabuhayan ang nabigyan ng tulong sa pamamagitan ng financial assistance, medical assistance, burial assistance, educational assistance, at livelihood assistance.
Bukod sa pamamahagi ng “Tulong Pinansyal sa Montalban” ni Nograles, ay inihayag niya na malaking tulong ang pagtaas ng minimum wage ng mga manggagawa.
Aniya, kapag naibaba ang presyo ng mga bilihin sa pamamagitan ng pagpapalakas ng agrikultura at transportasyon, mas malaking ginhawa ito sa pamilyang Pilipino.
Ayon pa sa kanya, kasabay ng pagtaas ng minimum wage, kailangan nating tutukan ang mga sektor ng agrikultura at transportasyon.
Idinagdag pa niya, ang pagpapalakas sa mga sektor na ito ay makatutulong upang mapababa ang presyo ng mga bilihin at mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino.
“Ang pagtaas ng minimum wage ay isang aspeto lamang ng solusyon para sa ating mga manggagawa. Patuloy po ang ating pagsisikap para maibaba ang presyo ng mga bilihin at transportasyon upang mas mapalaki ang take-home pay ng ating mga kababayan,” pahayag pa niya.
Ang pahayag ni Nograles ay nag-ugat sa panibagong dagdag na P40 sa arawang sweldo ng mga manggagawa.
Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang tulong pinansiyal ni Nograles katuwang ang DSWD, sa mga taga-Montalban upang makaagapay ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
(JOEL O. AMONGO)
