LIMA katao ang namatay sa dalawang insidente ng salpukan ng mga sasakyan sa lalawigan ng Camarines Sur at Agusan del Norte.
Sa Camarines Sur, dalawa katao ang namatay habang sampung iba pa ang sugatan makaraang magsalpukan ang dalawang sasakyan sa bayan ng Baao noong Lunes ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na si Marlon Tacalan, driver ng Toyota Innova at pasahero nitong si Ely Bongay.
Nilalapatan naman ng lunas sa magkakahiwalay na ospital ang mga sugatan na sina Jomar Opong, driver ng Hi-Ace van; Joan Tortola, Jeneve Parino, Gelso Odal, Catherine Nablo, Jocelyn Banez, Jenefir Todo, Leo Mancio, Jessel Marie Kilam, at John Mark Kilam.
Ayon sa report ng Baao Municipal Police Station, nangyari ang trahedya sa bahagi ng Diversion Road sa Barangay San Jose pasado alas-4:00 ng madaling araw noong Lunes, Setyembre 6, 2021.
Lumalabas sa imbestigasyon, nakatulog umano ang driver ng Innova at napadako ito sa kabilang linya hanggang sumalpok sa kasalubong na van.
Sa Agusan del Norte, tatlo katao ang patay makaraang salpukin ng kasalubong na pick-up truck ang sinasakyan nilang tricycle sa lungsod ng Cabadbaran.
Ayon sa ulat ng Cabadbaran City Police Station, kinilala ang mga biktimang namatay na sina Aldrin Guergio, Miraflor Gavilan at Reynaldo Fajardo, 56-anyos, pawang mga residente ng Purok 4, Brgy. Sumilijon ng nasabing siyudad.
Arestado naman ang driver ng puting Isuzu pick-up truck na si Geoffrey Lawrence Torralba, 27-anyos, residente ng Purok 15-A, Brgy. San Vicente ng Butuan City.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, sinakop ng pick-up na patungong Cabadbaran City ang kabilang lane at nahagip ang kasalubong na tricycle na pauwi naman ng Butuan City na sinasakyan ng mga biktima. Sa lakas ng impact, tumilapon ng ilang metro ang mga sakay ng tricycle.
(JG TUMBADO/JESSE KABEL)
261 