CAVITE – Sugatan ang isang mag-asawa habang limang nakaparadang tricycle ang nasira makaraang araruhin ng isang Toyota Hi-Lux pick-up sa bayan ng Naic sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.
Hawak na ng Naic Municipal Police Station ang suspek na si Rinaldo De Vera y Catipon, 62, may asawa, ng Ternate, Cavite, driver ng isang asul na Toyota Hi-Lux pick up na may plakang DAU 3154.
Nilalapatan naman ng lunas sa San Lorenzo Ruiz Hospital ang mga biktimang sina Danilo De Ocampo, 51, at Normina De Ocampo, 52 kapwa residente ng Brgy. Bucana, Sasahan, Naic, Cavite.
Ayon sa ulat, minamaneho ng suspek ang kanyang sasakyan at binabagtas ang kahabaan ng Brgy. Ibayo Silangan, Naic, Cavite.
Ngunit bigla umanong inararo ng nasabing sasakyan ang limang tricycle na nakaparada sa isang terminal na ikinasugat ng mag-asawa na nasa lugar bandang alas-7:40 ng gabi.
Tinangka ng driver na tumakas subalit saktong nasa malapit na karinderya sina Police Chief Master Sergeant Wildee Patron at Patrolman Joemar Felix na agad nagresponde.
Tinangka nilang pigilan ang driver subalit nagpatuloy ito sa pagtakas kaya binaril nila ang gulong ng sasakyan na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Agad isinugod ang mga biktima sa ospital para lapatan ng lunas.
Hinihinala namang lasing ang driver habang nagmamaneho kaya nangyari ang insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
