IPINAKITA ng Armed Forces of the Philippine ang patuloy na paghina ng Communist New People’s Army sa inilabas nilang datos na umabot sa 871 miyembro at tagasuporta ng New People’s Army (NPA) ang kanilang naneyutralisa loob lamang ng nakalipas na anim na buwan.
Sa nasabing bilang 51 communist terrorists ang napatay ng mga tauhan ng pamahalaan sa tuloy-tuloy na focus at intelligence driven operation na kanilang inilunsad sa iba’t ibang area of operation mula Enero 1, 2025 hanggang sa kalahatian ng buwan ng Hunyo.
Base sa estadistika, 44 NPA ang naaresto habang umabot naman sa 776 ang boluntaryong sumuko sa paghahangad na makapagbagong-buhay o makaiwas sa tuloy-tuloy na pagtugis ng militar.
May 80 NPA camps naman ang na-dismantle ng mga sundalo sa nasabing panahon.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nakakumpiska ang tropa ng pamahalaan ng 490 piraso ng baril at 257 anti-personnel mines.
Samantala, 112 miyembro at tagasuporta ng local terrorist groups ang na-neutralize sa parehong panahon, kabilang dito ang 103 sumuko, dalawa ang naaresto, at pito ang napatay.
Habang nabawi ng military sa nasabing hanay ang 123 armas, 5 anti-personnel mines, at 5 kampo ang nakubkob.
(JESSE KABEL RUIZ)
