54 Female cadets pinapurihan KABABAIHAN HINIKAYAT NI PBBM NA UMANIB SA PMA

HINIKAYAT ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kababaihan na umanib sa Philippine Military Academy (PMA), ang pamosong military school ng Pilipinas, kasabay ng pagbibigay papuri sa 54 female graduates ng PMA Siklab-Laya Class of 2025.

Si Pangulong Marcos na nagsilbing panauhing pandangal at guest speaker sa ginanap na graduation rites sa Fort Del Pilar sa Baguio City nitong nakalipas na linggo, ay nagpahayag ng kagalakan nang malaman nitong sa 266 na kasapi ng PMA Siklab-Laya Class 2025 na nagsipagtapos, 54 rito ay mga babae.

“Ang mga kababaihang kadete ng PMA ang patunay na ang tapang, talino, at galing ay hindi nakaaayon sa kasarian,” anang commander in chief.

“Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon sa bawat batang babaeng nangangarap na magkaroon ng mahalagang papel sa ating bansa,” ani PBBM.

Nabatid na 137 sa mga nagsipagtapos ay aanib sa Philippine Army, 71 naman ay magsisilbi sa Philippine Navy, habang 58 ay magiging bahagi ng Philippine Air Force.

Dito hinamon ng pangulo ang mga nagsipagtapos na kadete, “The most important lesson you carry is the understanding that warfare today goes beyond land, seas, and skies.”

Ayon sa pangulo, dapat na maging handa sila sa nakaambang cyber warfare na siya ring pinaghahandaan ng iba’t ibang pwersa mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

“We have battles that are invisible to radar—ones that take place in cyberspace, in protecting information, in safeguarding the environment, and in helping communities during crises. So physical strength and agility are no longer enough. What we need just as much—are your mental sharpness and your compassion,” paalala ng pangulo sa kauna-unahang West Philippine Trained PMA graduates.

“These are all important. But what is also important, and possibly the most important, is your love of country. That is, an officer who knows how to love his or her country despite its flaws, in the sincerest way,” anang pangulo.

Tagubilin naman ni Vice President Sara Duterte, “Huwag sana kayong maging kasangkapan ng pagmamalabis, pagtatraydor, at pagpapahirap ng mga nasa kapangyarihan sa mga kapwa Pilipino na katulad ninyo ay matapang na naninindigan para sa kabutihan, sa tama, sa katotohanan, at sa tagumpay ng mga Pilipino.

Sa halip ay pinayuhan ni VP Sara ang mga bagong 2nd Lieutenant na maging kasangkapan na nagsusulong ng kabutihan, magkapantay-pantay at ng katotohanan at mga pagbabagong tutupad sa pangarap at inaasam ng mga Pilipino.

“May you always strive to restore and uphold the values of an independent, non-partisan and professional institution. One, whose sole duty is to defend the Constitution. May you never yield to the greed for material gain, political pressure, or foreign influence,” ani VP Sara. “May you always stand unbowed.”

(JESSE KABEL RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment