MAHIGIT limang libong bumbero sa buong bansa ang nakapagtapos ng kursong nursing, na masasabing “malaking professional pool na magagamit bilang backbone ng isang National Emergency Medical Services (EMS) na wala pa rin sa ating bansa.”
Ayon ito kay Senator Joel Villanueva.
Sa kanyang interpellation sa Senate plenary noong Lunes, binanggit ni Villanueva ang napakalaking bilang ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mayroong medical background at isinulong ang pagtatatag ng isang national EMS, sa pamamagitan nila.
Mula sa 27,968 BFP personnel, 5,380 ang mayroong degree sa health sciences at 5,034 dito ay mga nagsipagtapos ng kursong nursing, ayon sa dokumento ng BFP na binanggit ni Villanueva.
Mayroon ding 238 BFP officers na may dual health-related degrees, tulad ng 12 doktor sa kanilang hanay at 200 na may master’s degrees. May 10 nars sa BFP na mayroong specialized training sa surgical nursing, ayon pa sa senador.
Dagdag pa ng mambabatas, ang mga nars sa hanay ng BFP ay halos katumbas na ng bilang ng mga nars na kinuha ng mga local governments noong 2019 na umabot sa 5,975.
Bahagi ng panukalang BFP Modernization ang emergency medical services, ngunit nais ni Villanueva na “palawigin pa ito at siguruhin na may sapat na pondo bilang isa sa mahahalagang tungkulin ng BFP kasabay ng pagpigil sa mga sunog.” (ESTONG REYES)
