6 NA TAON KULONG SA ABUSADONG EMPLOYERS

HINDI lang multa ang kakaharapin ng mga mapang-abusong amo ng online workers kundi makukulong pa nang hanggang anim na taon kapag naipasa ang panukalang Protektadong Online Workers, Employees, Riders, at Raketera o POWERR Bill sa Mababang Kapulungan.

Ito’y nakasaad sa House Bill 6572 na inihain nina Akbayan party-list Reps. Chel Diokno, Perci Cendana, Dadah Ismula, kasama si Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao.

Ayon sa mga mambabatas, dumarami ang kabataan at kababayan na kumikita bilang online workers, entrepreneurs, riders at iba pang “raketera,” pero hindi sapat ang proteksiyong natatanggap nila kumpara sa traditional employees.

“Marami sa ating mga kabataan at kababayan ngayon ay kumikita bilang online workers, entrepreneurs, riders, at sa tulong ng iba pang raket,” paliwanag ni Diokno subalit hindi tulad ng traditional employment ay hindi sapat ang kanilang proteksyon.

Layon ng panukala na masigurong hindi inaabuso at hindi napagsasamantalahan ang mga bagong uri ng manggagawa, lalo na’t karamihan dito ay kabataan.

Kabilang sa mga proteksyong ibibigay ng POWERR Bill ang: malinaw at makatarungang kontrata, tamang kompensasyon, night differential, overtime at holiday pay, social protection tulad ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG at maternity benefits at karapatang magbuo ng union o asosasyon, CBA at pagsali sa national o international organizations.

Kapag nilabag ng employers ang mga probisyong ito, kapalit ang kulong na 1 hanggang 6 na taon at multang P100,000 hanggang P500,000.

(BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment