DAVAO City – Bagsak sa selda ang anim na online sellers makaraang mahuli sa magkahiwalay na entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Davao City Field Unit at Sta. Ana Police noong Lunes ng gabi.
Ikinasa ng mga operatiba ang operasyon sa Aurora Street, Barangay 36-D, ng lungsod na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Cindy Raganit, 33; Aida Alentiojo, at driver na si Benjamin Paye.
Ayon sa ulat ng pulisya, overprice umano ang mga ibinebentang alcohol at face mask ng mga suspek kung kaya’t isinailalim sa operasyon.
Napag-alaman, sa bawat 4,000 ml. na ethyl alcohol ay P720 ang presyo ng kada isa gayung nasa P594 ang suggested retail price (SRP), habang ang N95 face mask ay ibinebenta sa halagang P250 gayung nasa P105 lamang ang SRP.
Sa araw ding ‘yun, nahuli rin ng Davao City Police Office ang mga suspek na sina Armalyn Yap, 27; Marlon Noval, 42, at Alicia Noval, 66, sa buy-bust operation sa Brgy 2-A, matapos magbenta ng overpriced alcohol.
Nakumpiska mula sa kanila ang 1,032 bote ng isopropyl alcohol na umaabot sa halagang P30,000.
Nakatakdang sampahan ng mga awtoridad ang nahuling mga suspek ng kasong paglabag sa RA 7581 o Price Act of 1992. (DONDON DINOY)
166 